February 21, 2025

P5 milyong shabu, nasabat sa 2 drug suspects sa Caloocan

NASAMSAM ng pulisya ang mahigit P5.1 milyong halaga ng shabu sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang bebot na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matiklo sa buy bust operation sa Caloocan City.


Sa kanyang ulat kay Norhern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang mga suspek na sina alyas “Alibay”, 31, may-asawa ng Pasay City at alyas “Ralph”, 21, ng  Bagong Barrio.


Ikinasa ng mga tauhan ni Col. Canals ang buy bust operation matapos isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang nagawang makipagtransaksyon ng P65,000 halaga ng droga kay alyas Alibay.


Dakong alas-2:47 ng madaling araw nang arestuhin ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang mga suspek sa Dagat-dagatan Ave corner Taksay St. Brgy. 28, matapos tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer.


Ayon kay Lt. Mables, nakuha nila sa mga suspek ang nasa 750 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P5,100,000, buy bust money na binubuo ng dalawang tunay P500 bills at 64-pirasong P1,000 boodle money, itim na belt bag at P1,000 cash.


Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 ang isasampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.


Pinuri ni Col. Ligan ang Caloocan City Police Station sa kanilang walang humpay na pagsisikap sa kampanya laban sa ilegal na droga. Muli din niyang pinagtibay ang pangako ng NPD na panatilihing walang droga sa mga komunidad sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon at mahigpit na pagpapatupad ng batas.