January 23, 2025

P436 BILYONG LOAN UPANG LABANAN ANG PAGKALAT NG COVID- 19, BAW!

Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga minamahal kong mga kababayan. Mga ginigiliw kong mga Ka-Sampaguita.

Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan. Nawa’y hindi magmaliw ang di nauubos na biyaya’t pagpapala ng Panginoong Diyos. Muli na naman tayong tatalakay ng mga mahalagang usapin sa ating lipunan.

Kaugnay sa patuloy na pagsisikap ng ating kinauukulan na labanan ang pagkalat ng Coronavirus, plano ng gobyerno na mangalap ng ₱436 bilyong piso, katumbas ng $8.72 bilyong utang. Naku!

Opo, uutang ang pamahalaan daw ( ayon sa sabi-sabi) upang apulain ang pagkalat ng coronavirus. Bukod pa rito, layun din ng ating pamahalaan na ayudahan ang unti-uting pagbangon ng aitng ekonomiya. May punto nga naman mga Ka-Sampaguita, lalo na kung sa ikabubuti ng ating bayan at nating mga Pilipino.

Ika nga ni Finance Assistant Secretary Antonio Lambino II, ang puntiryang P436 bilyong foreign financing loan ay para aniya sa buong taon.  Giit pa ni Lambino II, maging ang ibang bansa ay hindi rin nakaiwas sa pangungutang— at malaki ang kanilang inuutang. Ito ay dahil hindi naman kasi kasama sa kanilang buidget ang paglaban sa coronavirus.

Medyo lumaki ang utang natin ngayong taon dahil nilalabanan natin itong COVID-19 hindi naman po natin na-budget itong laban na ito dahil nag-ulat naman ang buong mundo dito sa pandemiya ng COVID-19,” pahayag ni Finance Assistant Secretary Lambino.

Pagmamalaki pa niya,maganda ang tayo o reputasyon ng bansa, kaya nabibigyan ng mataas credit rating. Buweno, gaya ng ating sinabi kanina, okay lang ang umutang basta magagamit ang halaga sa ikabubuti ng bansa. Harinawang huwag maging daan ito upang matukso ang ating mga pamunuan pitikin o kurakutin ang pera. Umaasa ang sambayanan na magagamit ito sa ikagiginhawa ng bawat-isa.

Ang tanong ng ilan, kailangan pa bang umutang? Naku, karaniwan ‘yan. Bakit sila ba magbabayad? Taumbayan din ang magbabayan niyan mula sa kaban ng bayan. Kung makikinabang ng husto ang sambayanan, nararapat lang na gawin. Gayunman, hindi maiiwasan na may magtatasan ng kilay tungkol diyan.

oOo

Nagulat naman tayo sa biglang pagbuhos ng ulan kahit tirik ang araw kahapon.

Okay lang dahil  hindi naman kalakasan at nadiligan ang tigang na lupa. Bagama’t may ilang nainis sa biglaang pag-ulan, na nagdulot ng alinasangan— tiyak na malaking tulong ito sa karamihan, lalong-lalo na sa ating mga magsasaka.

Teka, kung sa Kalakhang Maynila lang umulan, anong lupang sakahan ang madidiligan nito? Wala bang mga halaman at puno rito? Meron naman, at malaki ang tulong ng ulan sa kanugnog lalawigan upang madagdagan ang reserba ng tubig sa dam, dahilan upang mabigyan ng irigasyon ang mga bukirin.

Magpasalamat tayo sa Diyos dahil kahit hindi natin gusto ang isang bagay, nangyayari ito sa kaukulan at sa ikabubuti ng marami.

Gayunman, mag-ingat tayo sa paiba-ibang rekta ng panahon uso ngayon ang trangkaso’ t lagnat, lalo na sa mga bata at matatanda.

Ang iba naman ay tinaman ng leptospirosis. Kaya, ibayong ingat ang gawin. Maglinis ng bakuran at tahanan. Sa gayun ay hindi na magdagdagan pa ang ating problema dahil may nilalabanan pa tayong sakit na hindi nakikita. Ang bagsik ng coronavirus.