December 24, 2024

P387K shabu, nasamsam sa Caloocan drug bust, 2 tiklo

UMAABOT sa halos P.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang binatilyo matapos matimbog ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, Sabado ng madaling araw.

Ayon kay Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Restie Mables, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y iligal drug activities ni alyas “Pagare”, 45, construction worker, ng lungsod.

Nang magawa nilang makipagtransaksyon sa suspek, agad bumuo ng team si Lt. Mables saka pinangunahan niya ang ikinasang buy bust opeation kontra kay ‘Pagare’.

Matapos umanong tanggapin ni ‘Pagare’ ang marked money na may kasamang boodle money mula sa pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang medium sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-12:10 ng hating gabi sa Blk 7 corner Kaagapay Road, Brgy., 188, kasama ang na-rescueng binatilyo na si alyas “Potyok”.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 57 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P387,600.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang dadalhin naman sa pangangalaga ng CSWD ang na-rescue na binatilyo.