November 23, 2024

P340K shabu nasabat sa HVI tulak sa Valenzuela

NASA mahigit P.3 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual ((HVI) matapos masakote ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas Odek, 43, ng Brgy. Balangkas ng lungsod.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cayaban na ikinasa ng mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra sa suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng ilegal na droga.

Isang operatiba na nagpanggap na buyer ng droga ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P8,500 halaga ng shabu.

Nang matanggap ang pre-arranged signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa kanilang target ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek dakong ala-2:30 ng madaling araw sa harap ng Jianas Carwash sa kahabaan ng Kabesang Imo St., Barangay Balangkas.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P340,000, buy bust money na isang P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money, P200 recovered money, at coin purse.

Base sa secord ng SDEU, dati na nila nahuli ang suspek dahil din sa pagbebenta ng ilegal na droga subalit, nang makalabas ay muli umanong nagpatuloy sa kanyang illegal drug activities.

Ayon kay P/MSg Carlos Erasquin Jr., nasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.