November 19, 2024

PARI INASUNTO NG EX-SANDIGAN JUSTICE

INASUNTO ng isang dating mahistrado ang isang aktibong pari dahil sa umano’y pangungutya, malisyoso at mapanira nitong mga pahayag laban sa Our Lady Mary Mediatrix of All Grace.

Sa reklamo ni dating Sandiganbayan Associate Justice at ex-Commission on Elections Chairman Harriet Demetriou sa Quezon City Prosecutor’s Office, sinampahan nito ng kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o offending religious feelings si Fr. Winston Cabading ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism.

Sa demanda, binanggit ng dating Comelec chairman na sa isang video ay tila pinagtawanan ng pari ang umano’y pag-ulan ng mga talutot ng rosas at ang pagkakaroon ng langis sa imahe ng Birhen.

Ayon kay Demetriou, sa isang conference naman ni Cabading ay kinutya nito ang mga aparisyon ng Birheng Maria sa Lipa City, Batangas noong 1948.

Inihalimbawa ni Demetriou ang lecture ni Cabading  na pinamagatang “Basic Catholic Theology on Angels and Demons, Angels in Christian Life” kung saan binatikos umano nito ang serye ng pagpapakita ng himala ng Birhen na sinasabing nasaksihan ng ilang madre.

Hindi lang aniya ang Our Lady Mary Mediatrix ang kinutya at hinamak ng pari kundi maging ang mga deboto nito.

Ayon kay Demetriou, maitututuring na “notoriously offensive” ang ginawang pagtawag ni Fr. Cabading sa Mediatrix of All Grace bilang ‘demonic’ o may sa demonyo.

Maliban dito, binigyang diin ni Demetriou sa kanyang reklamo laban kay Fr. Cabading na walang Diocesan Verdict at Papal Decree na kumokontra sa aparisyon ng Birheng Maria.