November 19, 2024

P33,333 NAT’L MINIMUM WAGE IGINIIT

Nanawagan ang grupo ng mga manggagawa sa gobyerno para sa pagtaas ng minimum wage na P33,000 kada buwan sa kabila ng patuloy na pagmahal ng mga bilihin, pasahe at bills ngayon.

Sa pahayag ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees National President Santiago Dasmarinas Jr., hindi na nila kayang pagkasyahin pa ang sahod lalo na ang mga kontraktuwal na empleyado.

Sa pag-aaral umano ng IBON FOUNDATION, isang non-government organization, dapat ay may P1,119 na kita kada araw ang isang pamilya na may limang miyembro. Ito ay nakabase sa kalkulasyon noong Setyembre kung saan mas mabagal ang paggalaw sa presyo ng mga bilihin.

Sinabi pa ni Dasmarinas nitong nakaraang buwan ay 7.7 percent ang naging inflation rate samantalang ang sweldo ng mga government workers sa mababang posisyon ay nananatili pa rin sa P12,517 batay sa ikatlong tranche ng Salary Standardization Law o SSL.

Hiling din ng COURAGE na maging permanente na ang mga contractual employee upang makatanggap rin ng mga benepisyong nakukuha ng mga regular na manggagawa tulad ng year-end at Christmas bonuses.

Sa ngayon, pag-aaralan ni Budget Secretary Amenah Pagdangaman ang posibilidad na dagdag sahod at susuriin ang kasalukuyang benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno sa susunod na taon.