PATAY ang isang pedestrian habang sugatan naman ang dalawa pang katao matapos araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng 35-anyos na lalaking kalaunan ay nadiskubreng nakainom ng alak sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Sa kanyang report kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, sinabi ni Traffic Investigator P/SSgt. Robert Cabasag, naganap ang insidente sa kahabaan ng Gov. Pascual Avenue sa Brgy. Tinajeros dakong alas-6:30 ng umaga.
Sa ulat, minamaneho ni Michael Glenn Kakumoto ng Woodsville Viverde Merville, Paranaque City ang Ford Territory (CAX-4822) habang binabagtas ang eastbound direksyon ng Gov. Pascual Ave. nang mawalan ito ng control sa sasakyan saka tumawid sa opposite lane at mahagip si Rolando Campaan, Sr. 47 ng Brgy. Muzon na tumatawid sa kalsada na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Nagtuloy-tuloy pa rin ang SUV at nahagip naman ang isa pang pedestrian na si Wilmar Ballentos, 28, bago bumangga sa isang passenger jeep na naging dahilan upang masugatan ang pasehero nitong si John Robert Victorio, 45, saka inararo ang dalawang motorsiklo at isang bisikleta na nakaparada sa gilid ng naturang lugar.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang dalawang sugatan upang magamot habang inaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang driver ng SUV.
Nang isailalim si Kakumoto sa field sobriety test and breath analyzer calibration ng mga tauhan ng Regional Drug and Drugged Enforcement Unit ng Land Transportation office (LTO), ay positibo siya sa alcohol intoxication.
Ani Col. Daro, kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, multiple damages to property and violation of Anti-Drunk Drugged Driving Act of 2013 ang isinampa kontra kay Kakumoto sa Malabon City Prosecutor’s Office.
More Stories
Tulak, kalaboso sa pagbenta ng shabu sa pulis sa Malabon
Driver, arestado sa baril sa Malabon
80K NANAY MAKAKATANGGAP NG P350 MONTHLY SA ILALIM NG EXPANDED 4Ps – DSWD