December 27, 2024

P3.4M ‘Shabu’ Nasabat sa Magkasintahan sa Cavite

IMUS CITY, CAVITE – Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit ng National Capital  Region at ng PDEA ang dalawang suspek na magkasintahan na nagbebenta ng mga ilegal na droga sa isinagawang anti-illegal drugs operation at nakuhan ng hindi bababa sa halaga ng P3.4 milyon halaga ng droga sa Mc Donalds Parking Lot, sa lugar ng Daang Hari ng nabanggit na bayan.

Ayon sa ulat na ipinadala ni PDEG Director PBGen. Remus Medina sa opisina ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, ang mga naarestong suspek ay sina Jeric Ramirez alyas “Jam” at si Analyn Aguirre alyas “Lovely”, mga nasa hustong gulang na kapwa mga miyembro ng hindi tinukoy na drug syndicate na nagpapakalat ng droga partikular sa mga lugar ng  Region 4A, Metro Manila at mga kalapit na probinsya.

Nasamsam sa mga suspek ang 500 gramo ng mga hininhinalang shabu na meron street market value na P3,400,000, isang unit ng Mitsubishi Adventure na kulay maroon at mayroong plaka na WOJ 669, isang unit ng analog cellular phone at ang ginamit na boodle marked money.

Nakakulong na ngayon sa opisina ng PNPDEG SOU NCR ang dalawang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Sec. 5 (Selling )at 11  (Possession) ng RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002. (KOI HIPOLITO)