November 24, 2024

P3.46M IBINIGAY NG PAGCOR PARA SA MGA SINALANTA NG BAGYONG FLORITA

ILANG araw nang manalasa ang Bagyong Florita sa mga lalawigan sa Northern Luzon, kaagad nagpadala ang bagong pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation’s (PAGCOR) ng grupo para magbigay ng relief goods sa mga apektaong lokalidad nitong Agosto 25 hanggang 26, 2022.

Umabot sa 6,000 food packs at non-food items o aabot sa P3.46 na milyon ang naipamahagi ng PAGCOR sa lalawigan ng Cagayan at Isabela, na labis na naapektuhan ng naturang bagyo.

Ayon kay Cagayan Chief of Center Management Division and Focal Person ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Disaster Response Relief na si Bonifacio Cuarteros, labis na tinamaan ang kanilang mga pananim ng bagyong Florita.  Iniulat na aabot sa P344 milyong halaga ng agricultural products ang winasak ng bagyo.

“Ang province ng Cagayan ay may total na 1.2 million population at marami sa kanila ang hanap-buhay ay farming at pangingisda. Ang malaking tinamaan at naapektuhan ay ang agricultural crops at mas naapektuhan talaga ay ang mga farmers ng mais,” pagbabahagi niya.

Nagpasalamat din si Bonifacio sa PAGCOR para sa ibinahagi nilang tulong. “Ang PAGCOR ang kauna-unahang nag-abot ng tulong sa aming probinsya. Malaking pasalamat ng pamunuan ng province of Cagayan dahil sa maagap at malaking tulong na naibigay ng ahensya.”

Pinasalamatan din ni Isabela PSWDO Officer Lucila Ambatali ang PAGCOR para sa ibinigay na relief goods ng ahensiya sa lalawigan.

“Dati ng tumutulong ang PAGCOR sa probinsya ng Isabela. At nagpapasalamat kami na kaagad kaming naabutan ng tulong. Maraming salamat PAGCOR. Sana wala ng susunod pang disaster,” pasasalamat niya.

Ayon kay Ambatali, mahigit sa 6,700 indibidwal sa 43 barangay ang apektado sa isabela.

“Most of the damages ay sa northern portion ng province lalo na yung nasa coastal towns,” dagdag niya.