November 24, 2024

P2K SA MAGPAPABAKUNA NA VENDOR, KINASA SA QC

Tatanggap ng cash insentive ang mga tindero at tindera sa palengke ng Quezon City na magpapabakuna kontra COVID-19.

Ito’y matapos lagdaan kamakailan lang ni QC Mayor Joy Belmonte ang isang memorandum para bigyan ng pabuya ang mga ambulant vendors, market vendors at market employees.

Nasa P2,000 insentibo ang ipagkakaloob sa kanilang QC LGU.

“Most markets vendors cannot leave their stalls because of possible loss of income, so to encourage them to take a day off to get vaccinated, we will provide them with incentives,” pahayag ni Belmonte.

Kabilang sa mga mabibigyan ng insentibo ang mga Quezon City resident market vendors, market employees, at ambulant vendors na nagpabakuna mula January 8 hanggang 31, 2022.

Kaugnay nito, inatasan ni Belmonte ang Market Development and Administration Department (MDAD) na maghanda ng masterlist para sa mga  qualified na  tindero at tindera sa pamamagitan ng nakaraang registration sa MDAD o pag-presenta ng vending permit, certification mula sa barangay o kilalang vendors’ association, at proof of residency sa Quezon City gaya ng QC identification card, barangay o voter’s identification card.

Isusumite ang listahan sa City Health Department para sa vaccination schedule.

Ani Belmonte, oras na  naturukan na ng first dose, maaari na nilang kunin  ang financial assistance.

Binalaan naman ni Belmonte na paparusahan ang mamemeke ng dokumento para lamang makakuha ng financial assistance.