November 5, 2024

P2K AYUDA BAWAT PINOY SA BAYANIHAN 3 BILL

Lahat ng Pilipino, mayaman man o mahirap, ay makakatanggap ng P2,000 cash aid sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 na aprobado na sa committee level ng Kamara.

Nakapaloob sa Bayanihan 3 ang P405.6 bilyong stimulus package, kabilang ang pamamahagi ng cash aid sa bawat Pilipino.

“There are different kinds of ayuda, the most basic kind is the ‘sana all’ ayuda, which is P1,000 per head. We’ll be doing this in two tranches so tranche one is a total of P108 billion and then after three months, the second tranche, another P108 billion,” paliwanag ng isa sa may-akda na si Marikina Rep. Stella Quimbo.

Sa nasabing panukala, maaaring mag-waive sa P2,000 cash assistance ang mga maykaya sa buhay tulad ng mga nakatira sa Forbes Park, Ayala Alabang at iba na pang-gasolina lang sa kanila ang nasabing halaga.

Ang panukala ay inaprobahan ng House committee on ways and means, economic affairs at social services noong Abril 30.

Nakapaloob din sa Bayanihan 3 ang P12 bilyon para sa Phase 1 ng ayuda sa mga pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Popondohan din ng P8 bilyon ang wage subsidy para maalalayan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), habang P10 bilyon naman ang inilaan para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD), COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), at Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) Program.