UMABOT sa mahigit P23 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong drug suspects, kabilang ang isang itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles ang naarestong mga suspek na sina alyas “Abdul”, 41, (HVI) ng San Jose Del Monte, Bulacan, Alyas “Oding”, 40, alyas “Vics”, 33, at alyas “Tata”, 39, pawang residente ng Brgy. 188 ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, dakong alas-12:15 ng hating gabi nang madakma ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables sa King Faisal, Phase 12, Barangay 188.
Aniya, bago ang pagkakaaresto sa mga suspek ay unang nakatanggap ng impormasyon ang SDEU hinggil sa pagputok umano ng pangalan ni alyas Abdul na malakihan umanong nagbebenta ng shabu kaya isinailalim nila ito sa monitoring.
Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek nang bentahan ng P26,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 3,420 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P23,256,000.00, buy bust money na isang genuine P1,000 at 25-pirasong P1,000 boodle money, bag pack at P1,250 recovered money.
Sasampahan ng pulisya ng mga kasong paglabag sa Section 5 (selling), 11 (possession) at 26 (conspiracy) sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
More Stories
MARCOS-DUTERTE WAR ‘DI MAKAKAAPEKTO SA EKONOMIYA – NEDA
BINGO HANDOG NG TEAM UNA
ILANG GRUPO TUTOL SA IKA-APAT NA TERMINO NG PGH DIRECTOR