January 28, 2025

P220-M NA IMPORTED NA ASUKAL, NASABAT SA PAMPANGA AT BULACAN RAID (Sa ikinasang operasyon ng BOC, AFP, DTI, SRA, DA)

NASAMSAM ng pinagsamang puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Trade and Industry (DTI), Sugar Regulatory Administration (SRA), at Department of Agriculture (DA) ang iba’t ibang imported na asukal sa mga warehouse sa Pampanga at Bulacan sa magkahiwalay na raid.

Sinalakay ng BOC – Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service of the Port of Clark (Customs District No. XIV) at Port of Manila (Customs District No. II-A), kasama ang puwersa ng AFP, ang New San Fernando Public Market sa San Fernando, Pampanga at sa tabi ng Taruwe’s Lugawan, Tapsihan Atbp sa kahabaan ng Kaypian Rd. sa San Jose del Monte, Bulacan.

Nag-ugat ang operasyon mula sa koordinasyon ng CIIS sa military intelligence. Ang mga pagsalakay ay alinsunod sa marching orders ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gamitin ang visitorial powers sa lahat ng customs bonded warehouse at suriin ang imbentaryo ng mga imported na agricultural products.

Armado ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na inisyu ng Acting Commissioner ng Customs, nagpatuloy ang mga implementing team sa pag-inspeksyon sa mga subject na bodega.

Natagpuan ang humigit kumulang 44,000 sako ng imported na asukal na tinatayang nasa P220 na milyon sa mga bodega sa Bulacan at Pampanga.

Ayon sa ahensiya, isang lalaki na nagngangalang Victor Teng Chua na siyang sinasabing may-ari ng warehouse sa Bulacan ay naimbitahan sa San Jose del Monte Police Station dahil sa kawalan ng SRA permit.
Bineberipika na rin ng kinauukulang pamahalaan ang posibilidad ng large scale hoarding ng asukal ng may-ari ng bodega.

Tiniyak ni Acting Commissioner Yogi Filemon L. Ruiz sa publiko na hindi titigil ang BOC sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa smuggling at pagprotekta sa lehitimong kalakalan.

Sinabi ni Ruiz na ang hindi pagpapakita ng mga dokumento sa pag-import at patunay ng pagbabayad ng mga tungkulin at buwis sa mga nasamsam na articles ay magiging sanhi ng pagpapalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD).