DINOBLE ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang kanyang “reward” sa traffic enfocers na humuli sa kanyang dalawang vehicle convoy na illegal na gumamit sa EDSA Busway.
Pero ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang naturang pera ay “no strings attached” dahil walang exemption sa pagpapatupad sa paggamit ng special lane sa EDSA.
Sinabi rin nito na ang prize money ni Singson ay itinuturing na ‘donasyon’ lamang sa ahensiya.
Ayon kay MMDA chairperson Romando Artes, nag-donate si Chavit ng P200,000 sa ahensiya.
“[Ito ay] pupunta po ‘yan sa general fund ng MMDA. Hindi po ‘yan idi-distribute sa particular [na] tao o group. So iko-consider po ‘yan na donasyon sa ahensya – not for a specific purpose, but pupunta po sa general fund na kailangan pong i-allocate ng Metro Manila Council bago po pwedeng gastusin,” diin ni Artes.
Binati rin ni Singson ang traffic enforcer na humuli sa kanyang convoy dahil sa paggamit sa EDSA Busway, kung saan sinabi nito na gusto niyang mabigay ng reward dahil sa pagganap nito sa tungkulin at sa pagtrato ng patas sa lahat.
Gayunpaman, nanindigan si Artes na sa kabila ng donasyon ay “no strings attached” pa rin sa pagitan ng MMDA at dating Ilocos Sur governor.
“Again, wala pong strings attached, ‘yan. Hindi ibig sabihin na tinanggap namin, ‘yung donasyon ay pwede nang dumaan si Gov. Chavit sa busway. Wala po tayong ganon. Wala pong exemption dyan,” giit ni Artes.
Nangako rin si Artes na ipagpapatuloy ng MMDA na ipatupad ang alituntunin at sinisigurado na na ang mga nasa listahan ng authorized officials at government offices ang papayagang gumamit ng special lane sa EDSA.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA