NASAMSAM ng Bureau of Customs (BOC-NAIA) ang nasa P2 milyon halaga ng marijuana at ecstasy mula sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Ayon sa BOC-NAIA, idineklara pang “gift” o regalo ang parcel na pinaglagyan ng mga sangkap sa paggawa ng ecstasy habang idineklarang “adult toys” ang parcel na may laman naman na marijuana. Bukod dito may isang parcel naman na hindi idineklara at nabuking na naglalaman ito ng 500 piraso ng ecstasy.
Pero nabuking ang mga nasabing iligal na droga makaraang magsagawa ng “random parcel profiling” at K9 sweeping.
Ang unang parcel na naglalaman ng 547 gramo ng MDMS na idineklarang “gift” ay ipinadala ng isang Bram De Lang ng Netherlands sa pamamagitan ng DHL Parcel sa Germany at naka-consigned kay Mark Lumanlan Chavez ng Pasay City 1300.
Sa pangalawang parcel naman na naglalaman ng 28 gramo ng Kush (marijuana) na may halagang P44,800 at idineklarang “adult toys” ay nagmula naman sa United Kingdom kung saan walang nakasaad na consignee at ipapadala sa Marikina City.
Habang ang ikatlong parcel na naglalaman ng 500 piraso ng ecstasy tablets na may halagang P850,000 na walang declaration ay ipinadala sa isang Kenneth Rosales ng Mabolo, Cebu City.
Sinabi ng BOC-NAIA, na patuloy ang kanilang profiling sa mga parcels at kargamento na dumarating sa bansa at pinaigting ang pag-eksamin at monitoring sa mga paketeng dumarating.
Ang nasamsam na mga droga ay nakatakdang isalin ng Customs sa pag-iingat ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) para sa karagdagang profiling at case build-up para sa paglabag sa Dangerous Drug Act na may kaugnayan sa Seksyon 119 at Seksyon 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act.
More Stories
BAGONG TATAG NA TARLAC CHAPTER & GYM KAAGAPAY SI SIKARAN OFFICIAL MASTER CRISANTO
Bagong gym, binuksan sa Navotas
PAGPAPALIBAN SA BARMM ELECTIONS, PINAG-AARALAN NA – PBBM