February 11, 2025

P2.5-M shabu nasamsam sa HVI sa Rizal

Kulong na ngayon ang isang suspek na tinaguriang High Value Individual na nagbebenta ng iligal na droga matapos makuhanan ng halagang P2.5 milyon  ng shabu sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng City Drug Enforcement Team ng Antipolo City Component Police Station bandang alas-11:40 ng gabi, araw ng Lunes sa Barangay Mambungan ng Antipolo City, Rizal.

Kinilala ang suspek sa alyas na si “Kuya”, nasa hustong gulang at nakatira sa Barangay Corazon De Jesus ng San Juan City, Metro Manila.

Ayon sa ipinadalang report ni Antipolo City Chief of Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, sa opisina ni Calabarzon Police Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, nasamsam sa posisyon ng suspek ang 10 pakete ng mga hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Standard Drug Price na P2,516.000.00 at ang ginamit na buy-bust  money.

Pansamantalang nasa kustodiya ngayon ng Antipolo City PNP ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (KOI HIPOLITO)