November 15, 2024

P2.4 milyon droga nasamsam sa HVI sa Valenzuela

KULUNGAN ang kinabagsakan ng isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P2.4 milyong halaga ng illegal na droga sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang naarestong suspek na si alyas “ Reymond Hudas”, 33 ng Block 4, Lot 5, Phase 2A, Northville 1, Brgy., Bignay.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagputok ng pangalan ni “Hudas” sa pagbebenta umano ng droga sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.

Isinailalim ng SDEU sa validation ang suspek at nang positibo ang ulat ay agad nagkasa ang mga ito ng buy bust operation sa pangunguna ni P/Cpt. Ronald Sanchez kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay “Hudas” ng P8,500 halaga ng droga.

 Matapos tanggapin ng suspek ang isang P500 marked money, kasama ang 8-pirasong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap police poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba sa harap mismo ng kanyang bahay dakong alas-7:40 ng umaga.

 Ayon kay Cpt. Sanchez, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 365 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,482,000, buy bust money, hard case, cellphone at digital weighing scale.

 Ani PSSg Carlos Erasquin Jr, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 (Comrehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.