
BATANGAS CITY – Tatlong itinuturing na High Value Individuals (HVI) sa ilegal na droga ang nalambat ng pulisya sa dalawang magkasunod na buy-bust operation na ikinasa ng Batangas City Component Police Station at Drug Enforcement Unit ng Batangas Provincial Police Office nitong Linggo ng gabi, Hunyo 15, 2025. Tinatayang P2.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga suspek sa magkahiwalay na operasyon sa Barangay Calicanto at Barangay Bolbok.
Unang naaresto dakong alas-7 ng gabi sa Brgy. Calicanto ang isang babaeng suspek na kinilalang si alyas “Bebe,” 29 anyos, residente rin ng nasabing barangay. Nakuha mula sa kanya ang humigit-kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P680,400.
Bandang alas-10:47 ng gabi, sumunod na naaresto sa Brgy. Bolbok ang dalawang lalaki na kinilalang sina alyas “Jomel,” 33 anyos, residente ng Brgy. Banaba South, at alyas “Jovs,” 32 anyos, residente ng Brgy. Simlong. Nakumpiska mula sa kanila ang pitong knot-tied plastic sachets na naglalaman ng tinatayang 120 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P816,000, pati na rin ang buy-bust money na nagkakahalaga ng P200,000.
Ayon kay Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO 4A-Calabarzon, ang kabuuang standard market value ng nasamsam na droga ay tinatayang nasa P1,666,000 batay sa Dangerous Drugs Board, habang ang street value nito ay umaabot sa P2.3 milyon.
Ang mga suspek ay pansamantalang nakakulong sa Batangas City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte. (Ulat nina KOI HIPOLITO at ERICCH ABRENICA)
More Stories
EJ Obiena muling nabigo sa podium matapos ang ika-7 pwesto sa Diamond League sa Sweden
Konektadong Pinoy Act, magpapabilis at magpapamura sa bayad sa internet sa bansa
E-Gov. Act, magpapabilis sa proseso sa pamahalaan