November 20, 2024

P2.2-B TAX CASE VS PACQUIAO IBINASURA

Mistulang nabunutan ng tinik si dating Filipino boxing champion Manny Pacquiao matapos ibinasura na ng Court of Tax Appeals ang tax case nito.

Ipinaabot ni ex- Pacquiao ang kanyang pasasalamat dahil lumabas na rin aniya ang katotohanan.

Inihayag nitong napolitika umano siya noon kaya nagkaroon ng nasabing isyu.

At dahil sa inilabas na desisyon ngayon ay nalinis na ang kanyang pangalan.

Aminado ng 43-anyos na dating presidential candidate na bumabagabag sa kanya ang hinarap na tax case kung saan malaking sagabal daw sa kanyang magandang mga plano at lahat ng galaw para matulungan ang mga kababayan.

Aniya, sa simula’t-simula pa lang ay kampante sila ng asawa na si Jinkee na mababasura lamang ang kaso dahil tinutupad naman nila ang obligasyong magbayad ng buwis.

Iginiit ng itinuturing na Pambansang Kamao na nagbayad na siya ng buwis sa Amerika at hindi na dapat magbayad pa sa Pilipinas dahil sa may kasunduan ang dalawang bansa para maiwasan ang double taxation.

“Kampante naman kami from the beginning pa lang eh, wala naman kaming itinatago, in fact, gusto nga namin magbayad kami ng taxes dahil nakatutulong din naman ito sa ating gobyerno. At hindi lang yan, besides sa pagbabayad namin ng taxes eh, ‘yung pera namin mismo ibinibigay namin sa taongbayan para makatulong kami,” saad pa ni ex. Sen. Pacquiao.

“In fact namimigay kami sa abot ng aming makakaya. Hindi kami nag-iimpok ng pera para sa aming sarili para yumaman ng yumaman. Ang sa amin eh ibinabahagi namin sa mga mahihirap na tao na nangangailangAn at siguradong alam ng mga kababayan ko ‘yan, lalong-lalo na dito sa Sarangani at GenSan,” dagdag pa na pahayag ni Pacman.

Kung ipapaalala, nagbunsod ang kaso ng akusahan ng Bureau of Internal Revenue ang dating senador at asawa nitong si Jinkee ng hindi pagbabayad daw ng P2.2 bilyon na buwis mula taong 2008 hanggang 2009.

Sa 49 pahinang desisyon, sinasabing walang nakitang anumang sapat na ebidensiya ang Court of Tax Appeals na hindi nagbayad ng buwis ang dating world boxing champion. Ibinaba ang desisyon noon pang Setyembre 29 subalit ito ay inilabas lamang nitong Biyernes.