November 2, 2024

P102K shabu, nasamsam sa Caloocan drug bust

NASA mahigit P.1 milyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa dalawang drug suspects matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City.

Kinilala ni District Drug Enforcement Uni (DDEU) chief P/Major Jeraldson Rivera ang naarestong mga suspek na sina alyas “Fred”, 43, at alyas “John”, 19, kapwa residente ng lungsod.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Major Rivera na ikinasa nila ang buy bust operation, katuwang ang Caloocan Police Sub-Station (SS2) kontra sa mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga ito.

Kaagad dinamba ng mga operatiba ng DDEU ang mga suspek matapos umanong bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-10:50 ng umaga sa loob ng isang bahay sa Galino St., 9th Avenue, Brgy. 102.

Ayon kay P/Capt. Regie Pobadora na nanguna sa operation, nakuha nila sa mga suspek ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P 102,000.00, 7 grams ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana na nasa P840.00 ang halaga at buy bust money

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.