May 17, 2025

P102K SHABU NASAMSAM! KELOT KUMAGAT SA BUY-BUST SA VALENZUELA

UMABOT sa mahigit P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang hinihinalang drug personality nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Kinilala ni P/Major Jeraldson Rivera, hepe ng Northern Police District – District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) ang naarestong suspek na si alyas “Alfred”, 35, ng Brgy. Bignay.

Katuwang ang Valenzuela Police Sub-Station 7, ikinasa ng mga operatiba ng DDEU ang buy bust operation kontra sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.

Dakong alas-6:45 ng madaling araw nang dambahin ng mga tauhan ni Major Rivera ang suspek sa Elpidio Pacheco Street, Barangay Punturin, matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 15 grams ng hinihinalang shabu, na may estimated standard drug price na P102,000.00 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at isang P500 boodle money.

Kasong paglabagt sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang operating team.

“The timely and successful apprehension of this high-value suspect reflects our unyielding commitment to eradicate illegal drugs in CAMANAVA. We will continue to intensify our efforts and protect our communities from the menace of drug abuse and trafficking,” ani Ligan.