November 19, 2024

P1,000 KAPALIT NG SENIOR CITIZENS ONLINE REGISTRATION, FAKE NEWS!

MARIING pinabulanan ni Rep, Ompong Ordanes ng Senior Citizens Party List ang kumakalat na text message na nagsasabing tatanggap ng P1,000 kada buwan ang mga edad 60 pataas kapag sila ay nagparehistro sa National Commission of Senior Citizens.

“Para sa mga minahamahal nating senior citizens, ‘yan po ay kasinungalingan. Sapagkat wala pong maibibigay na pondo ang gobyerno tungkol diyan” ayon kay Ordanes.

“Yun nga pong P500 na increase ay nahirapan tayong ibigay sa mga senior citizens. ‘Yun pa kayang P1000, dagdag pa ni Ordanes.

Nanawagan din ang mambabatas sa National Commission on Senior Citizens (NCSC) na linawin ang scam na ito.

“Sang-ayon po ako sa kanilang online registration pero kung lolokohin ninyo po ang mga senior citizens na kapag nakapagparehistro ay magkakaroon ng P1,000… ‘yan po ay malaking kasinungalingan,” ani ng mambabatas.

Sinabi rin nito na naglabas na rin ang DILG ng abiso noon pang Marso at hinihingi ang palinawag at paglilinaw sa layon o motibo ng online registration ng senior citizens sa bansa.

Sumulat na rin si Ordanes kay NCSC Chairman Atty. Franklin Quijano noong Oktubre para bigyang linaw ang pakay ng online registration ng mga nasa edad 60 pataas.

Subalit halos dalawang buwan na ang nakalilipas ay wala pa rin sagot ang ahensiya kaya’t ikikonsidera ni Ordanes na magpatawag ng pagdinig bilang namumuno sa House Committee on Senior Citizens.

“Hanggang sa ngayon po ay hindi nila sinasagot yung aking sulat kaya ako ay gagawa na naman ng imbestigasyon upang malaman ang involvement nila sa mga panloloko sa mga senior citizens,” ayon sa mambabatas.

“Hindi sila nakapokus sa trabaho sa NCSC. Ang trabaho po nila ay ay ilipat sa komisyon ang lahat ng programa ng Department of Social Welfare and Development pero hanggang ngayon ay hindi po umuusad ang transition,” dagdag pa nito.

Panawagan naman ni Ordanes sa mga kapwa niya senior citizen na huwag maniniwala na kapag nagparehistro ay makakatanggap ng P1,000.

“Ako po ay sangyon sa online registration pero yung lolokohin kayong mga senior citizens doon po ako hindi sasangyon sa kanila,” giit ni Ordanes.

Sa NCSC website, nag-abiso ito noong Pebrero para sa mga senior citizens na mag-ingat at huwag agad paniwalaan ang kumakalat na maling impormasyon ukol sa pensiyon.

Naglabas na rin ng paglilinaw si NCSC Commissioner Reymar Mansilungan.