November 3, 2024

P100-M NA PERA NG PARADIGM SPORTS, ITINAKBO NI PACQUIAO?

Nagsalita na ang business agent at dating special assistant ng boksingerong si Manny Pacquiao na si Jayke Joson hinggil sa isyung tinakbuhan sila ng senador at presidential aspirant matapos makuha ang 100 milyong pera ng Paradigm Sports.

Bago nangyari ang usapin tungkol sa Paradigm Sports, sinabi ni Joson na ang naunang plano nila ni Pacquiao, ay makapaghanap sila ng laban sa boksing upang mas marami umano silang matulungan na mga Pilipino. 

“‘Jake, maghanap kayo ng laban na puwede na akong magretiro at the same time, mas maraming Pilipino tayong matulungan.’ Ayun po ‘yung naayos namin ni Mr. Arnold Vegafria, ako, si Mr. Ping Nepomuceno. Naayos po natin ‘yung Paradigm Sports, ‘yan po ‘yung laban ni Manny Pacquiao at Mcgregor,” ani Joson sa panayam ng SMNI News na inilabas nitong Lunes, Oktubre 18.

Nang makapirma si Pacquiao, ikinuwento rin ni Joson na nais humingi ni Pacquiao ng cash advance sa Paradigm na hindi umano kalakaran ng nasabing kumpanya.

“Kinausap po namin mabuti ang Paradigm para pagbigyan ang ating mahal na senador,” ayon kay Joson.

“Ang alam namin itutulong niya–kung ano man ‘yung perang ma-release namin, itutulong niya sa tao,” dagdag pa niya.

Nagbigay ang Paradigm Sports ng 2 million dollars para sa senador bilang cash advance. 

Gayunman, hindi pa umano nakuntento ang boksingero sa nakuhang pera.

“Hindi pa po siya nakuntento don eh. Ang sabi niya pa sa amin eh na dagdagan, gawing 4 million dollars,” ayon sa dating special assistant.

Hindi na pumayag ang Paradigm sa hiling ng kampo ni Pacquiao dahil sobra na raw ito. 

“Kami naman ni Arnold, sinubukan naman namin ang Paradigm na hingan ng another 2 million dollars. Hindi na po pumayag, sabi nila, ‘That’s too much already,’ dagdag pa nito.

Nang hindi pumayag ang Paradigm sa hinihiling ni Pacquiao na karagdagang 2 milyon, naisip nina Joson at Vegafria na sila na lamang ang gagawa ng paraan para lang umano mapagbigyan si Pacquiao.

Naka-ipon sina Joson at Vegafria ng 65 million pesos gamit ang kani-kanilang pera para makatulong kay Pacquiao. 

“Naka-raise po kami sa sarili naming pera na 65 million. So nakuha po niya P165 million sa amin. 65 sa aming dalawa ni Arnold–personal money. Nagkasanla-sanla po kami para lang ibigay at itulong kay Senador Pacquiao and then yung 100 sa Paradigm,” 

Nang makuha umano ni Pacquiao ang pera, tinakbuhan sila umano nito at hindi sinunod ang kontrata. 

“Pagbigay namin ng pera, nagkasanla-sanla po kami, nakuha niya ‘yung pera ng Paradigm, tinakbuhan po kami,” pahayag ni Joson.

“Hindi niya sinunod ‘yung kontrata, hindi niya sinunod ‘yung usapan namin. Para bang ‘yung pagkakaibigan namin na napakahabang panahon, nabalewala na ang interes lang namin ay para sa ikabubuti niya,” dagdag pa niya.

“Mahal ko po si Sen. MP, pero paano niyo po mamahalin ‘yung maling gawain na ginawa po sa amin,” paglalahad pa niya.

Tila naglabas na rin ng sama ng loob si Joson sa kanyang kaibigan.

“Kung sa aming dikit niyang kaibigan nagawa niya ‘yun, what more sa ibang tao? Masakit. Masakit na masakit,” aniya.

“Nakakaiyak pero hindi ko naman kayang lununin na para bang… karapatan niyang gawin sa amin ‘yun dahil Manny Pacquiao siya? Porket Jayke Joson lang kami, Arnold Vegafria? Kahit ano puwede niyang gawin sa amin?” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Joson, binigyan nila ng pagkakataon ang senador na itama ang pagkakamali nito, gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa nakikipag-ayos si Pacquiao sa kanila. 

“Kung alam ni Sen.MP na nagkamali siya, dapat i-correct niya. Kung puso niya ay pure, at gusto niya talaga maging maayos ang samahan. Eh hanggang ngayon po eh parang nakalimutan na eh,” paglalahad ni Joson. 

“Para bang entitled siya na gawin sa amin ‘yun? na parang karapatan niya na gawin samin ‘yun? na porket Manny Pacquiao siya kami Jayke Joson lang, Arnold Vegafria lang. At dapat lununin na lang namin kung ano ‘yung gawin niya na kahit hindi naman tama?” dagdag pa niya.

“So kayo na manghusga kung dapat ba akong manatili o dapat ba akong mawala,” pagpapatuloy ni Joson. 

Hanggang ngayon ay naghihintay ng sagot sina Joson at Vegafria mula kay Pacquiao.

Matatandaan na nitong Hunyo ngayong taon ay nagsampa ng kaso ang sports manager na si Audie Attar laban kay Pacquiao na nagnanais na maibalik ang “$3.3 milyong advance” ng senador. 

Ang Paradigm Sports Management isang sports company na itinatag ni Audie Attar noong 2009. Nakabase ang kumpanyang ito sa Orange County, California. Ito rin ang nangasiwa sa career ni dating UFC Champion Conor McGregor.