January 23, 2025

P100-K REWARD SA IKADARAKIP NI EX-PALAWAN GOV. JOEL REYES

📷 Ex-Palawan Gov. Joel Reyes

NAG-ALOK ng P100,000 pabuya ang pamahalaan sa sinumang indibiduwal na makapagbibigay ng impormasyon patungkol sa kinaroroonan ni dating  Palawan Governor Joel Reyes.

Si Reyes ang tinuturong  mastermind sa pag-ambush at pagpatay kay Puerto Princesa City broadcast journalist, Gerardo Valeriano ‘Doc Gerry’ Ortega.

Ayon kay Usec. Paul M. Gutierrez, executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), manggagaling ang pabuya sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa ilalim ng pamumuno ni Usec. Gilbert Cruz.

Ayon kay Gutierrez, naniniwala sila ni Usec Cruz na matagal nang  napagkakaitan ng hustisya ang pamilya Ortega lalo na at hanggang ngayon ay hindi pa nadarakip si Reyes upang mapanagot sa kanyang pagkakasala.

Tiwala si Gutierrez na ang naturang  pabuya ay magpalakas sa paghahanap  at pagdakip kay Reyes, na isang taon  ng nagtatago mula ng bawiin ng Korte Suprema ang kanyang piyansa at iutos na iharap sa paglilitis ng kaso.

Nananawagan din si Usec Gutierrez sa mga civic-minded citizens at mga nagsusulong o advocates ng hustisya na magbahagi ng kanilang pera sa inaaalok na reward sa mga makapagtuturo sa kinaruruonan ng dating gobernador.

Si Doc Gerry ay binaril at napatay sa labas ng isang tindahan sa Puerto Princesa City noong January 4, 2011, itinuturong utak sa krimen si noon ay Governor Reyes.