November 17, 2024

P100 DAGDAG-SAHOD PASADO SA SENADO

PINASA na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magbibigay sa tinatayang 4.2 milyon na minimum wage earners sa bansa ng karagdagang P100 sa kanilang arawang sahod.

Sa 20 pabor at walang tumutol sa Senate Bill No. 2534 na iniakda ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada, tugon ito sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Sa kanyang manifestation, sinabi ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, na ang pag-apruba ng Senate Bill No. 2534 ay pagtugon sa pangangailangan ng mga manggagawa.

Sa ilalim ng panukalang ito, lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa buong bansa, nasa agrikultural man o non-agricultural na sektor, ay saklaw sa P100 na arawang dagdag-sahod.

Ang huling legislated wage hike na naipatupad sa bansa ay noong 1989 sa bisa ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act, na nagsasaad na ang mga sahod ay itatakda sa rehiyonal na batayan ng regional wage boards.

Kinontra ni Estrada ang mga sumasalungat sa panukalang batas na nagsasabi na magkakaroon ito ng negatibong epekto sa mga negosyo at makakahadlang sa paglago ng ekonomiya.

Sinabi ni Estrada na ang paglago ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa umuunlad na estado ng mga manggagawa na itinuturing na lifeblood ng mga negosyo sa bansa.

“At dapat nating pangalagaan at unahin ang interes ng ating mga manggagawa,” sabi ng mambabatas na tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga manggagawa.

“Huwag nating balewalain ang epekto ng kolektibong aksyon ng Senado. Ang mas mataas na minimum wage ay nakakaapekto hindi lamang sa mga manggagawa kundi maging sa ating mga komunidad. Pinapasigla rin nito ang lokal na ekonomiya at tinitiyak na ang ating mga kababayan ay magkakaroon ng pangtustos sa kanilang mga pangunahing pangangailangan,” ani Estrada.

Wala naman sa sesyon ng Senado sina Senador Cynthia Villar, Senador Mark Villar, Senador Imee Marcos at Senador Lito Lapid sa botohan sa P100 wage hike.

Noong nakaraang linggo, pumasa sa ikalawang pagbasa ang panukala kung saan walang senador ang tumutol dito

Sa kasalukuyan, P610 ang minimum wage sa MM subalit dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin ay hindi na ito nakasasapat.

Umapela si Estrada sa House of Representatives na magpasa rin ng kahalintulad na panukala bago madala sa Malacañang para mapirmahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. Ipinagkibit balikan lamang ni Estrada na pangamba ng mga negosyante na malugi ang mga ito at magresulta ng pagbabawas ng empleyado dahil sa wage hike.