November 23, 2024

P10-M ‘INFINITY POOL’ NA IPINATAYO NG PPA, NASILIP NG COA

“Unnecessary” umano ang “infinity pool” na  ipinatayo ng Philippine Ports Authority (PPA)  sa San Fernando City, La Union ayon sa Commission on Audit (COA).   Ang infinity pool na may kasamang guest room ay nagkakahalaga ng  Php 10.835 milyon.

Idineklara ng COA sa kanilang ulat ngayong taon  na ang pagpapatayo ng pool at guest room sa PPA Training Center Compound (TCC) sa Barangay Poro ay “improper and wasteful,” lalo’t naging sanhi ito ng pagpapagiba ng isang canopy at bahagi ng perimeter fence na kakapagawa pa lamang.

Ang pagpapagawa ng  pool at guest room ay kabilang sa “new priority project” ng northern Luzon unit ng  Port Management Office (PMO) ng PPA at natapos noong Nobyembre 9 ng nakaraang taon.

Napag-alaman na ang proyekto ay may kasama pang isang pergola at decorative rock wall.

Naglaan ang pamahalaan ng  Php 12 milyong budget para sa proyektong ito na ni-realign mula sa isang port development project sa Camarines Sur, subalit kinalauna’y ibinaba sa Php 10.835 milyon ang revised contract cost.

Dagdag pa ng COA, hindi sinusunod ng proyekto ang vision and mission ng PPA na
“to provide modern, sustainable and resilient port infrastructures and facilities,” at  “to provide port facilities and services at par with global best practices.”

Tugon naman ng PPA, ang mga ipinatayong istruktura ay naglalayong manghikayat ng mas maraming kustomer at palakihin ang kanilang kita mula sa mga nontraditional sources.

Sinagot naman sila ng COA na nalulugi ang PPA sa kanilang mga operasyon ng TCC. Hindi umano kailangan ang bagong guest room dahil  ang mga nakatayo nang mga kwarto at pasilidad ay sapat na para i-accommodate ang mga guest.

Sa kabila noon ay itinuloy pa rin umano ng PPA ang pagpapatayo ng bagong pasilidad “without any supporting feasibility study, and seemingly, without regard [of] value-for-money,” ayon sa mga nag-audit.

Naglabas naman ng pahayag ang PPA nitong Lunes bilang tugon sa COA.  Sinabi nila na kasama na sa proyekto ang  pagpapagawa ng apat na bagong kwarto, isang function room, at ang pag-a-upgrade ng electrical system.

Binigyang-diin ng ahensya na ang training center ay gagamitin sa pagti-train ng mga PPA personnel, kabilang na ang port police personnel na nangangailangan ng  pool para sa water exercises and training activities.

Dagdag pa ng PPA, ang mga training center clients ang nag-request na ayusin ang TCC at magdagdag ng mga amenities upang mas malaki umano ang kitain mula sa mga rentals.