April 16, 2025

P1.663M HALAGA NG HIGH-GRADE MARIJUANA, CANNABIS-INFUSED VAPES NASAKOTE NG BOC

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang 1,098 gramo ng high-grade marijuana, o mas kilala bilang kush kasama ang sampung piraso ng cannabis-infused disposable vapes na may kabuuang halaga na P1.663 milyon.

Idineklara ang naturang parcel bilang “Tub Shower Faucet Set” na galing mula sa Arizona, United States at patungo sa Quezon City at napuna sa X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC ang kahina-hinalang laman nito.

Kasunod nito, nagsagawa ang Customs Examiners ng physical examination sa nasabing kargamento at nakuha ang isang itim na vacuum-sealed plastic bag na naglalaman ng 30 disposable vape pens, sampu sa mga ito ang nakumpirmang may cannabis-infused.

Natagpuan din sa loob ng parcel ang tatlong transparent plastic packs na may lamang marijuana na kinumpirma ng chemical laboratory analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Agad na nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), at Section 1113 paragraphs (f), (i), at (l) of R.A. No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Iginiit ni BOC Commissioner Bienvenido R. Rubio ang dedikasyon ng ahensya na protektahan ang bansa laban sa ipinupuslit na ipinagbabawal na gamot.