December 26, 2024

P1.3-M HALAGA NG SHABU KOMPISKADO; 2 BIGTIME DRUG SUSPECTS ARESTADO

NASA mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa dalawang bigtime drug suspects matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang mga naarestong suspek na sina alyas ‘Ute’, 43, at alyas ‘Jonjon’, 44, kapwa residente ng lungsod.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District P/BGen. Rizalito, sinabi ni Col, Cortes na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Nang positibo ng report, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-2:03 ng madaling araw sa Gov. A. Pascual St., Brgy. San Roque.

Ayon kay Capt. Sanchez, nakumpiska nila sa mga ang humgi’t kumulang 200.26 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P1,361,768.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002