December 24, 2024

OVP BINIRA SI PANELO: ‘DI GUMAMIT NG GOV’T PLANE SI ROBREDO SA RELIEF OPERATION SA BICOL

Itinanggi ng Office of the Vice President (OVP) ang alegasyon ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na gumamit ng government plane si VP Leni Robredo nang bumisita at mag-abot ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Bicol region.

“Secretary Panelo should get his facts straight. VP Leni DID NOT use a government C130 plane when she brought aid to Bicol,” ani OVP spokesperson Atty. Barry Gutierrez sa isang statement.

Dismayado ang tagapagsalita ni Robredo dahil nagawa pa rin daw magbato ni Panelo ng maling akusasyon sa gitna ng pagsisikap ng pangalawang pangulo na makatulong sa mga nasalanta.

“Nakakalungkot lang, tumutulong si VP Leni sa mga tinamaan ng bagyo at baha, at imbes na suporta, paninira at kasinungalingan ang binabato. Ano ba ang mga ito, lingkod bayan o troll?”

Sa isang video na pinost ng PCOO Global Media Affairs, sinabi ni Panelo na nanamantala ang bise presidente sa relief efforts ng ginawa ng gobyerno sa lalawigan ng Catanduanes.

“Ikaw pala VP Leni nung pumunta ka ng Catanduanes akala ko nagpunta ka on your own, eh sumakay ka naman pala sa eroplano ng pamahalaan at sumabay ka doon sa relief goods,” ayon sa dating Presidential spokesperson.

“Parang ang dating tuloy ikaw may dala noon.”

Isa si Robredo sa mga unang rumesponde sa rehiyon matapos mag-landfall sa Bato, Catanduanes si Super Typhoon “Rolly” noong November 1.

Bumisita rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa Bicol at nag-aerial inspection sa pinsala ng bagyo sa rehiyon.