October 5, 2024

OVERSTAYING CHINESE NA SANGKOT
SA PROSTITUSYON TIMBOG



ARESTADO
ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying na Chinese national na umano’y pwersahang pinagtatrabaho ang mga babaeng Koreano bilang mga prostitute na inilalako sa kanyang mga kababayan na narito sa Pilipinas.

Sa report na ipinadala kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr. ang 35-anyos na dayuhan na si Jin Mingchun, na naaresto noong Marso 22 sa kanyang bahay sa Parañaque City.

Bitbit ng arresting agents ang mission order na inisyu ni Morente matapos mapag-alaman na mahigit dalawang taon nang nag-o-overstay sa bansa ang nasabing Chinese national.

Samantala, initasan ni Morente ang legal division ng bureau para simulan ang deportation proceedings laban kay Jin dahil sa pagiging overstaying at undesirable alien.

 “Aliens like him who prey on women do not deserve the privilege to stay in the country. They should be expelled and banned from re-entering the Philippines,” saad ni Morente.

Sa ngayon, nakakulong si Jin sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings.