April 29, 2025

Opisyal ng DA, NFA at FTI Tinikman ang ₱20/Kilo Bigas; Rollout sa Kadiwa Stores Uumpisahan sa Mayo 1

Ryan San Juan

Quezon City, Abril 29, 2025 — Sa isang press conference na ginanap ngayong Martes sa punong tanggapan ng Department of Agriculture (DA), pinangunahan nina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at mga opisyal mula sa Food Terminal Inc. (FTI) at National Food Authority (NFA) ang pagtikim ng nilutong bigas na ibebenta sa halagang ₱20 kada kilo, bilang pagpapakita ng kalidad at angkop nito para sa pangkalahatang konsumo.

Kasama sa mga dumalo at kumain ng NFA rice sina FTI President & CEO Joseph Rudolph Lo, DA Asec. Arnel De Mesa at Genevieve Guevarra, NFA Deputy Administrator John Robert Hermans, at NFA Department Manager Roy Untiveros.

Ang naturang bigas ang siyang ibebenta simula Mayo 1 sa mga piling Kadiwa Stores sa Visayas, Negros Island, at ilang piling lokasyon sa ilalim ng programang “Bente Bigas Mo” ng administrasyong Marcos.

Ayon sa DA, ang ₱20/kilo na bigas ay eksklusibong maipagkakaloob sa mga benepisyaryong kinabibilangan ng mga mahihirap o indigents, senior citizens, solo parents at mga persons with disabilities.

Ayon sa mga opisyal, layon ng programang ito na gawing abot-kaya ang pangunahing pagkain ng bawat Pilipino, kasabay ng pagtugon sa epekto ng mataas na presyo ng bilihin.

“Ito ay patunay na posible ang ₱20 kada kilong bigas kung maayos ang sistema ng produksiyon, procurement, at distribusyon,” ani Secretary Tiu Laurel.

Ang aktwal na pagtikim ng bigas ay sinimbolo rin ang kumpiyansa ng mga opisyal sa kalidad ng NFA rice na ipapamahagi sa ilalim ng nasabing programa.