December 24, 2024

Opisyal at empleyado ng MHD binigyan ng pagkilala ni Isko

BINIGYAN ng pagkilala ni Mayor Isko Moreno ang mga opisyal at empleyado ng Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan dahil sa inilunsad nitong “WILD” preventive campaign na naglalayong maibsan ang epekto ng mga sakit na karaniwang dulot  ng tag-ulan.

Pinuri rin ni Moreno ang mga tauhan ng MHD para sa makabuluhang papel na ginagampanan nito sa paglaban sa COVID-19 at pagpapanatili sa mga Manilenyo na malusog.

Ang programa ng MHD ay tinawag na ‘WILD,’ ayon kay Pangan, na siyang lalaban para sa waterborne illness, influenza, leptospirosis at dengue. Sa kaso ng influenza, sinabi ni Pangan na mahigit sa 20,000 senior citizen ang nabakunahan na, naglunsad din ang MHD ng ‘ABAKADA’ o ‘aksyon sa barangay kontra droga.’

Sinuklian naman ng pasasalamat ni Pangan sina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna dahil sa pagiging supportive, walang kapaguran at nagsilibing inspirasyon sa mga opisyales at tauhan ng MHD para gawin ang lahat ng kanilang makakaya.

Ayon pa kay Pangan, nasa kabuuang 8,689 katao ang na-test para sa COVID-19 nang isailalim sa lockdown ang 31 barangay, kasama na rin dito ang mga empleyado.

Habang ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na sumalang sa rapid testing magmula ng magsimula ang pandemya ay umabot na sa 135,000, at hindi bababa sa 15,000 ang sumailalim sa swab testing, ayon sa hepe ng MHD.

Tiniyak din ni Pangan na handang gampanan ng MHD ang tungkulin nito, at bukod pa rito, ang kanyang departamento ay nakatuon sa pangangalaga ng COVID suspects o asymphtomatic cases sa 12 quarantine facility gaya ng utos ni Moreno.

Samantala, kasabay ng lahat ng ito, sinabi rin ni Pangan na ang libreng medikal na konsultasyon, gamot, pagbabakuna, anti-TB treatment at pre-natal service ay patuloy pa ring inaalok sa 47 na mga health center ng pamahalaang lungsod mula Lunes hanggang Biyernes.