December 22, 2024

Operasyon ng Lotto tuloy na bukas, pero hindi sa MECQ areas

MATAPOS ang ilang buwang pagkakatigil dahil sa lockdown, inanunsiyo ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office  o PCSO na tuloy ang pagbubukas ng lotto  bukas, Agosto 4.

Gayunman, nilinaw ni PCSO General Manager Royina Garma na dahil sa implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ, suspendido muna ang lotto operation sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.

Ang mga apektadong lugar na nasa ilalim ng MECQ  na tatagal ng hanggang Agosto 18 ay ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.

Bukod sa lotto ay suspendido  rin ang Instant Sweepstakes tickets at Keno.

Wala pang eksaktong petsa kung kelan babalik ang lotto operations sa mga nabanggit na lugar.

Samantala, kasabay nito ay umaapela si Garma sa publiko na tangkilikin ang mga “Larong may Puso” gaya ng Lotto, Small Time Lottery,  On-line Keno at Instant Sweepstakes.

Balik na rin aniya sa halagang ₱20 ang bawat ticket at fixed price na rin ang premyo.

Pinapayuhan din ang mga STL agent na makipag-ugnayan sa PCSO Branch offices upang magabayan sa mga rekisito.