January 24, 2025

ONLINE SABONG AT PERYAAN NG BAYAN SA KYUSI, LEGAL NGA BA O ILEGAL?

OPEN na open na pinag-uusapan ngayon ang online sabong sa Quezon City.

Alam naman nating lahat ang mga Pinoy ay mahilig sa dibersiyon ng sabong lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Kung sa bagay, tupada nga pinapatos pa, ‘di ba?

Kaya nga patok na patok ang online sabong ni alyas Ato sa nabanggit na siyudad.

Ngayon ang tanong, legal ba o illegal ang online sabong ni Ato

Ayon kasi sa nakarating sa ating impormasyon, bukod sa wala itong lisensiya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay wala rin itong business permit sa mga lungsod at bayan kung saan ito nagpapataya sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya o yung tinatawag na “computerized betting system.”

Ano sa tingin ninyo mga ka-BERDUGO?

Sinasabing nakabase umano sa Maynila ang online sabong ni Ato.

Bukod pa sa online sabong, muli na namang binuhay ang “Perya ng Bayan” sa Kyusi na pinatatakbo naman ng isang alyas “Peryong.”

Ayon sa ating mga galamay, mayroong ilegal na mga sugal sa peryang ito.

Kung may ilegal, bakit tahimik ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) at mga tao sa city hall?

Dahil ba ipinagyayabang ng Peryong na malakas siya sa isang alyas “I” na nagpakilalang malapit umanong kamag-anak ni Mayor Joy Belmonte?

Ganoon ba siya ka-untouchable?

Kaya ba namamayagpag ang Perya ng Bayan sa QC dahil bukod sa kanyang pamato ay napag-alaman din ng ating mga galamay na kasosyo niya itong si alyas “I” sa kanyang ilegal na aktibidades?!

Anong ahensiya kaya ang puwedeng sumagot sa atin? Baka puwede mong sagutin, National Capital Region Police Office (NCRPO) Maj. Gen. Debold Sinas?

Uulitin lang po natin, legal ba o ilegal ang online sabong at Peryaan ng Bayan sa QC?

o0o

Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang hindi nakikitang maganda sa inyong kapaligiran ay maari kayong mag-text sa numerong CP#09460243433 o mag-email sa [email protected].