November 24, 2024

ONLINE BARTER LAGOT SA DTI

MARAMI ang tumaas ang kilay nang sabihin ng Department of Trade and Industry (DTI) na ilegal at planong patawan ng tax ang barter o palitan ng kalakal online.

Tanong tuloy ng ilan nating kababayan, papaano naging ilegal itong barter online?

Kapag ba ‘yung binili mong t-shirt na may tax na hindi na kasya sa iyo ay ipinagpalit mo sa binili ring short na may tax ng kaibigan mo, lugi ba ang pamahalaan doon?

Ano rin kaya ang pinsalang magagawa sa ekonomiya kapag ipinagpalit ng magsasaka ang kanyang alagang baboy sa secondhand na computer para magamit ng kanyang anak, hindi ba’t malayo ito sa ginagawang pananabotahe ng mga smuggler na nagpupuslit ng kalakal sa bansa?

Naniniwala tayo na walang nilalabag ang online barter, lalo na’t malaking tulong ito sa ating mga kababayan na kinakapos dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito lang kasi ang nakikitaang paraan ng mga tao para makuha ang kanilang pangangailangan at hindi para kumita ng pera. Hindi sila pumapasok sa barter online para yumaman.

Dahil wala na nga ring ABS-CBN na mapapaanood sa kanilang telebisyon sa bahay, ito na lang ang ginawang libangan ng iba, pagkatapos ay pakikialaman ninyo pa?

Imbes nga naman kasi tulungan ng pamahalaan ang publiko kung papaano sila mahahanapan ng pagkakakitaan sa gitna ng pandemya ay mistulang pinagkakaitan pa nila ang mga ito.

Bagama’t sinabi ng DTI na legal lamang ang barter trade sa piling lugar sa Mindanao, kung saan nabanggit ang executive order na inisyu ni Pangulong Duterte noong 2018.

At kanilang pinapayagan lamang ang personal transactions dahil ang mga online transaction ay dapat magrehistro muna sa kanilang opisina.  Hinikayat nito ang mga online barter trade na magrehistro sa kanilang opisina at sa Bureau of Internal Revenue.

Pero hindi ba’t mas matutuwa pa ang marami kung pupuntiryahin ni Mr. Taxman itong offshore gaming operations na napatunayang hindi nagbabayad ng buwis keysa pag-initan nila ang modernong palitan ng kalakal? Sa tingin ninyo?