November 5, 2024

OMBUDSMAN: WALA NG LIFESTYLE CHECKS SA PUBLIC OFFICIALS (‘Di porket maluho, magnanakaw na!)

IGINIIT ni Ombudsman Samuel Martires na nais niyang ipatigil ang pagsasagawa ng lifestyle checks sa pampublikong official, sapagkat hindi naman ito nagpapatunay na korap ang isang opisyal.

“Nung umupo ako, pinatigil ko muna ang lifestyle check kasi matagal na ako may duda sa probisyon ng batas tungkol sa lifestyle check. Gusto ko i-propose sa Congress ng amendments sa 6713 kasi yung provisions there, malabo, walang hulog sa logic,” saad ni Martires sa mga mambabatas sa ginanap na budget hearing sa House of Representatives.

 “Bakit ko pinatigil? What is living beyond your means? Iyong kumikita ng P50,000 a month, lives in a small house, nakaipon, bumili ng BMW na promo, zero interest, kayang-kaya niya hulugan, is he living beyond his means? I don’t think so. What he has are distorted values and distorted priorities,” dagdag niya.

Sa ilalim ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public officials, isinasaad na dapat ay naayon ang pamumuhay ng public officials at mga empleyado gayundin ang kanilang pamilya sa kanilang posisyon at sahod.

“Anong pakialam natin? Bakit natin siya huhusgahan na bumili ng BMW kahit ang bahay niya walang paradahan? Anong pakialam natin sa buhay ng may buhay kung hindi naman siya nagnanakaw?” ani Martires.

“We have to redefine what is living beyond your means. What is simple living to me may not be simple living to you or anyone.”

Sa kabila nito, nakamandato sa Section 8C.A of RA 6713 ang paglalahad ng SALNs sa publiko.

“Sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, hindi namin kailangan ng SALN sa [pagpatunay ng] undue injury, undue advantage, even plunder,” paliwanag niya. “Saan ba gagamitin ang SALN? Ginagamit lang ang SALN para siraan ang opisyal ng pamahalaan,” dagdag pa ni Martires.