November 3, 2024

Okay lang kahit Paskong Tuyo

Kumusta mga Ka-Sampaguita? Nawa’y lagi kayong nasa mabuting kalagayan.

Ilang tulog na lang, Pasko na. Masasabi nating ito ang pinakamalungkot na Pasko sa dekadang ito.

Binulabog at pinerwisyo kasi tayo ng COVID-19. May ilang siyudad sa Kamaynilaan na nagdeklarang hindi magdaraos ng Christmas Party.

Nag-iingat kasi ang kinauukulan. Isa pa, wala o kulang sa pondo dahil sa ginamit sa ayudang ipinamahagi sa mga constituents.

Marami ang nawalan ng trabaho. Kung meron man, ilang araw lang ng pasok. Kaya, sumubok ang iba ng ibang raket.

Ang iba ay pinanawan na ng pag-asa. Nagkaroon ng stress at depresyon.Naubos ang ipon, nagkasakit, nagkawalay dahil sa ECQ , nagutom…

May nag-aaway na pamilya dahil sa kagipitan, gumawa ng iligal dahil wala nang pera.

Ganyan ang epekto ng pandemya. Ginawang abnormal ang buhay natin at pamumuhay.

Sa ngayon, mahalaga na mairaos ang holiday season ng payak. Okay lang kahit hindi bongga.

Ang mahalaga, magkakasama ang pamilya at walang maysakit. May awa rin ang Diyos. Sa Kanya tayo magtiwala at umasa.

Okay lang kahit Paskong Tuyo, basta buhay tayo at malakas.

Adios Amosekos.