December 24, 2024

Oil spill sa lumubog na tanker sa Bataan, pinagangambahan

BINALOT ng langis ang karagatan sa lalawigan ng Bataan matapos tumaob ang isang oil tanker bunsod ng dambuhalang alon, mahigit anim na kilometro ang layo sa bayan ng Limay kaninang madaling araw.

Sa paunang ulat ng Department of Transportation (DOTr), dakong ala 1:00 ng madaling araw kanina habang naglalayag ang MT Terra Nova patungo sa Iloilo para maghatid ng 1.5 milyong litro ng industrial fuel nang hampasin ng malakas hangin at dambuhalang alon – dahilan para tumaob ang barko.

Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, 16 na tripulante ng MT Terra Nova ang nasagip habang patuloy pa ang isinasagawang search and rescue operation sa isa pa.

Sa lakas aniya ng hampas ng hangin, mabilis na kumalat hanggang sa dalampasigan ng Bataan ang mga tumagas na langis, na lubhang ikinabahala ang mga lokal na pamahalaan matapos makatanggap ng reklamo sa mga residente,

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard sa hangaring alamin ang dahilan sa likod ng trahedya.

Marso ng nakaraang taon nang magkaroon ng isang katulad na insidente sa Oriental Mindoro kung saan umabot ng anim na buwan bago tuluyang nalinis ang bakas ng langis na tumagas sa karagatan.