December 25, 2024

OIL SPILL BANTA SA BULACAN, CAVITE, PAMPANGA

Maaaring makaapekto sa mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, at Pampanga ang oil spill na dulot ng lumubog na MT Terra Nova sa Bataan.

Ito ang sinabi ni Department of Environmental and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado.

Sa isang situation briefing tungkol sa epekto ng Super Typhoon Carina at ng pinaigting na Habagat sa Malolos, Bulacan, ipinakita ni Yulo-Loyzaga kay Marcos ang isang diagram mula sa Biodiversity Management Bureau na tumutukoy sa mga yamang baybayin at dagat at marine protected areas na maaaring maapektuhan ng oil spill.

“We are on the lookout now for the possible contamination that could happen in the wetlands and the coastline areas not just of Bataan, but we are also looking at Bulacan, and we are also looking at Pampanga, possibly Cavite because of Corregidor,” ani Yulo-Loyzaga.

Iniharap din ni Yulo-Loyzaga ang imahe mula sa Philippine Satellite Agency ng oil spill na kumalat na patungong Bulacan.

“As we see from this image it has spread quite quickly towards the Bulacan area,” saad pa ng Environment chief.

Ipinag-utos naman na ni Marcos sa mga pamahalaang panlalawigan na posibleng maapektuhan na maglagay ng mga organic spill boom sa mga coastal areas upang maiwasan ang pagkalat ng oil spill.

Matatandaaan na isa ang namatay sa tumaob ang MT Terra Nova na nagdulot din ng oil spill sa Bataan nitong Huwebes.

Nangyari ang spill sa layong 3.6 nautical miles sa silangan ng Lamao Point sa bayan ng Limay bandang 1:10 a.m.