November 17, 2024

OIC ng guwardiya na nakapatay sa construction worker sa loob ng SLEX sumuko sa CIDG

SUMUKO na sa mga awtoridad ng Criminal Investigation and Detections Group o CIDG- Laguna Provincial Field Unit kahapon ang suspek na Officer in Charge ng mga guwardiya na nakatalaga sa Calamba Premier International Park (CPIP) na bumaril at nakapatay sa isang biktimang welder na nagtatrabaho sa loob ng Calamba City, South Luzon Expressway na nangyari noong hapon ng Sabado.

Ayon kay CIDG Laguna Chief PLt.Colonel Romulo Dimaya Jr., sinabi sa kanya ng suspek na si alyas “Demetrio” na naging mahaba umano ang pagtatalo nila ng biktimang si Ronald Santillan, na taga-Sto. Tomas City, Batangas, bago ang ginawa nitong pagbaril sa biktimang nagpapahinga sa gilid ng CPIP.

Ikinatuwiran ng suspek na marami na ‘di umanong insidente ng  pagnanakaw ang nangyari sa kanilang lugar na binabantayan kaya sinita nila ang grupo ng mga construction worker kabilang ang biktima subalit hindi na umano nakapagpigil ang suspek sa pangangatwiran at pagkuha ng video ng biktima kaya’t sandali itong umalis at pagbalik ay meron ng dalang baril na ipinutok sa biktima.

Pansamantalang nasa kustodiya na ngayon ng CIDG Provincial Field Unit Holding Facility ang suspek na sasampahan ng kasong Murder sa Calamba City Prosecutors Office at nakatakdang isailalim sa Inquest Proceedings. (KOI HIPOLITO)