April 19, 2025

Ogie Diaz kay Camille Villar: ‘Tubig muna bago pabahay’

Sa gitna ng matinding kakulangan sa suplay ng tubig sa maraming bahagi ng bansa, isang makabuluhang paalala ang ibinato ng talent manager at social media personality na si Ogie Diaz kay Las Piñas Rep. Camille Villar: “Tubig muna, bago pabahay.”

Ito ay kaugnay ng pangako ni Villar na magbibigay ng pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino—isang adhikaing maganda sa paningin, ngunit tila salat sa konteksto, lalo’t ang mismong serbisyong batayang pangangailangan gaya ng tubig ay hindi pa rin lubusang naaabot ng mamamayan.

Mula Tagaytay hanggang sa mga bayan at lungsod na sinasaklaw ng PrimeWater—isang kompanyang pag-aari rin ng pamilya Villar—inuulan ng reklamo ang hindi maaasahang suplay ng tubig. Matataas ang bayarin, pero ang serbisyo ay aandap-andap. Isang proyekto nga ang tinaguriang “Project Uhaw” ang isinilang upang pansamantalang tugunan ang suliranin, ngunit bakit nga ba kinakailangan pa ito kung talagang maayos ang sistema?

Tama si Diaz: Ang tubig ay isang batayang karapatan. Hindi ito pribilehiyo, kundi pangangailangan. Ano ang silbi ng pabahay kung ang gripo ay tuyo, at ang bawat patak ay tila ginto sa halaga?

Ang mas malalim na usapin dito ay kredibilidad—isang salitang mahalaga sa sinumang nagnanais humawak ng mas mataas na posisyon sa gobyerno. Kung ang isyu ng tubig ay hindi kayang lutasin ng isang pamilya na may kontrol sa mismong kumpanyang nangangasiwa rito, paano pa aasahan ng taumbayan ang katuparan ng mas malawak na pangakong pabahay?

Hindi sapat ang mag-post ng adbokasiya. Hindi rin sapat ang mangako ng pagbabago kung ang kasalukuyang problema ay hindi tinutugunan.

Sa halip na pangakong magarbong pabahay, ang dapat ay serbisyo sa kasalukuyan. Lutasin ang kasalukuyang krisis. Tugunan ang daing ng mga konsumer. At doon, unti-unting mabubuo ang tiwala ng taumbayan—isang tiwalang hindi kayang bilhin ng billboard, press release, o political jingle.

Sa pagtatapos, may panahon pa para umaksyon. Pero dapat itong gawin ngayon—habang nauuhaw pa ang bayan.