November 21, 2024

OFWs sa Lebanon nagpasaklolo sa PH gov’t… TULUNGAN N’YO KAMING MAKAUWI NANG LIGTAS

NAGPASAKLOLO ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gobyerno ng Pilipinas na pabilisin ang pag-papauwi sa kanila dahil sa tensiyon at karahasan na patuloy na nangyayari sa Lebanon.

Naglabas ng hinaing ang ilang OFW kaugnay sa napakabagal na proseso ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) at Philippine Embassy sa Lebanon.

“Maraming gustong umuwi na nahihirapan sa proseso,” wika ni alyas Rachel, na itinago ang pagkakilanlan para sa kanyang kaligtasan, sa isang press conference na isinagawa ng Migrante International. “Hinahanapan kami ng passport, pero ayaw naman ibigay sa amin ng mga employer.”

Mayroong 11,000 documented OFWs sa Lebanon, na naipit sa patuloy na girian ng Israel at Hezbollah, ang Lebanese militant group na nakahanay sa Palestinian militant group na Hamas.

Noong Agosto 16, hinimok ng Philippine embassy sa Lebanon ang mga Filipino citizens na lumisan na sa nasabing bansa habang nanatiling operational ang paliparan.

Hinimok ang mga nais mag-avail ng repatriation assistance na sagutan ang form kung saan tahasang nakasaad na ang bawat aplikasyon ay susuriin ng Lebanese General Security – immigration services ng naturang bnasa – para maisyuhan ng exit clearance.

Gayunpaman, sinabi ng mga OFW na ang mga clearance na ito ay nakadepende sa feedback ng kanilang mga employer na kadalasan ay hindi sila pinaalis dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang mabigat na bayarin sa mga ahensiya.

Ayon naman sa isa pang OFW na si Christine Lao, halos isang buwan na siyang naghihintay ng feedback. Aniya, limang letro lamang ang layo niya at ng kanyang pamilya sa Dahich, na malapit lamang sa Beirut na tinarget ng malawakang airstrike ng Israel sa nakaraang mga linggo. “Sa tagal ko na dito sa Lebanon, ni minsan hindi ko gusto kong umalis, pero ngayon, gustong-gusto ko na umuwi,” aniya. Huwag nila hahayaan na may mabuwis na buhay bago sila kumilos para matulungan kami.” 

Ayon sa DMW, umabot sa 403 OFWs ang napauwi na mula sa Lebanon nitong Setyembre 15, kabilang ang 55 dependents.

Ayon kay Mark Aquino, coordinator ng Migrante Middle East, dapat dumirekta ang Philippine government sa Lebanese government upang pabilisin ang proseso at ligtas na mapauwi ang maraming Filipino.

“Dapat magkaroon na ng top level usapan, gobyerno sa gobyerno, na payagan na at huwag na padaanin sa mahirap na proseso ang mga gustong umuwi,” saad niya “Marami na ang gustong umuwi [kasi] ibang iba na ang sitwasyon ngayon.”

Nanawagan na rin si Senator Risa Hontiveros, sa DFA at DMW na dapat mapauwi ang mga OFW sa lalong madaling panahon.

Dapat may mga nakalatag nang contingency plans ang ating mga ahensya sakaling lumalala ang sitwasyon,” aniya.


Tiwala rin siya na ginagawa lahat ng nasabing mga ahensiya upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga OFWs.