January 26, 2025

OFW NA MAY PEKENG PAKAKAKILANLAN, NAHARANG SA CLARK

CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga — Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang biktima ng human trafficking na may pekeng pagkakilanlan.

Nagmula ang biktima, na hindi pinangalanan alinsunod sa kasalukuyang anti-trafficking laws, mula sa Cotabato at bibiyahe sana sa pamamagitan ng Qatar Airways flight No. QR 931 sa Clark International Airport para magtrabaho bilang household service worker (HSW) sa Doha, Qatar.

Ayon sa report nina Travel Control and Enforcment Unit (TCEU) Officers Johnel Badua at Mark Danes Diego, dumaan ang biktima sa primary inspection at ni-refer para sa pangalawang inspeksyon matapos mapansin na magkakaiba ang kanyang pahayag.

Unang sinabi ng biktima na siya ay 27-anyos, at nai-deploy ng isang Philippine Overseas Employment Administration-accredited agency bilang HSW.

Ilang beses nagkamali ang biktima nang tanungin ang kanyang personal na detalye. Matapos ang inspeksyon, inamin niya rin ang kanyang tunay na pangalan at sinabing 24-anyos pa lamang siya.

“These human traffickers go as far as providing their victims documents that assume the identity of others,” saad ni BI Commissioner Jaime Morente.  “This has to stop.  They are taking advantage of our kababayan in the midst of a pandemic,” dagdag niya.

Agad aniyang dinala ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalim na imbestigasyon sa recruiter.

“We pray that cases of these victims push through so that those who victimize the vulnerable will find themselves facing the harshest penalties to finally end this modus,” aniya.