
Itinuturing ng Office of Civil Defense (OCD) na isang mahalagang hakbang ang pagdedeklara ng state of calamity sa Eastern Visayas upang matugunan ang lumalalang suliranin sa ekonomiya at lohistika bunsod ng load restriction sa San Juanico Bridge.
Ang panukalang deklarasyon ay kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isailalim sa state of calamity ang buong rehiyon.
Sa panayam sa DZMM Teleradyo, binigyang-diin ni OCD spokesperson Director Chris Noel Bendijo na mapabibilis ng deklarasyon ang paglalabas ng kinakailangang pondo at ang agarang pagsasaayos ng San Juanico Bridge, na siyang pangunahing tulay ng kalakalan at serbisyo sa pagitan ng Samar at Leyte.
“The sooner that we repair the San Juanico Bridge, the sooner that our commerce, supplies, and logistics will be back to normal,” ani Bendijo.
Habang umiiral ang limitadong galaw sa tulay, sinabi ni Bendijo na may mga pansamantalang hakbang na ipinatupad tulad ng karagdagang roll-on/roll-off vessels, pagsasaayos ng mga lumang pantalan, at libreng transportasyon at suporta sa mga pasahero.
Ngunit iginiit ni Bendijo na hindi ito sapat.
“Ayaw rin nating matambakan ng dagdag na gastos ang ating mga suppliers dahil maaaring magresulta ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” aniya.
Sa ilalim ng state of calamity, mas madaling makakakuha ng pondo para sa pagkukumpuni ng tulay at mga alternatibong pantalan. Ayon kay Bendijo,
“We can also fix the other ports for additional options to maintain connectivity between Samar and Leyte.”
Tungkol sa pondong kakailanganin para sa rehabilitasyon ng tulay, sinabi ni Bendijo na
“DPWH ang makapagsasabi kung magkano ang kailangan. Pag-aaralan ito ng OCD, iendorso sa NDRRMC, at mula roon ay irerekomenda sa Office of the President.”
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan din ang OCD sa Department of Trade and Industry (DTI) na nagpatupad ng price freeze upang kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin habang apektado ang suplay.
“We are also looking at subsidizing other expenses to ease the plight of our countrymen and the flow of business,” dagdag ni Bendijo.
Matatandaang simula Mayo 15, ipinapatupad na ang load limit sa San Juanico Bridge, na naging sanhi ng pagkaka-stranded ng mahigit 200 sasakyan at tinatayang P300 milyon hanggang P600 milyon ang nawawalang kita kada buwan sa ekonomiya ng rehiyon.
More Stories
DepEd binawasan ng 57% ang school forms ng mga guro
MRT-7 mula Trinoma hanggang Sacred Heart, target buksan sa 2027 – DOTr
Kiefer Ravena at Diana Mackey, kasal na sa susunod na linggo! Prenup photos, ibinida sa IG