April 30, 2025

OCD Bicol, Todo na ang Tugon sa mga Apektado ng Bulkang Bulusan Eruption

SORSOGON – Agad na nagpakilos ang Office of Civil Defense (OCD) Bicol upang suportahan ang lalawigan ng Sorsogon matapos ang biglaang phreatic eruption ng Bulkang Bulusan, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gamitin ang whole-of-government approach sa pagtugon sa mga kalamidad.

Ayon sa OCD, handang-handa na ang mga ayuda para sa mga naapektuhan. 44,000 face masks at 2,000 hygiene kits ang nakaimbak at nakahanda nang ipamahagi. Humiling ng 1,500 hygiene kits at 10,000 face masks ang pamahalaang panlalawigan upang mapanatili ang kalinisan at maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga evacuation centers.

Mahigpit na nagbabantay sa sitwasyon sina Defense Secretary at NDRRMC Chairman Gilberto Teodoro Jr. at OCD Administrator at NDRRMC Executive Director Undersecretary Ariel F. Nepomuceno at nangakong ibibigay ang lahat ng kailangang suporta.

Pinangunahan ni OCD Bicol Regional Director Claudio Yucot, na siya ring Chairperson ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Bicol, ang pagbisita sa mga apektadong bayan. Nakipagpulong siya sa mga opisyal ng Sorsogon PDRRM Council at ininspeksyon ang kalagayan ng mga evacuees sa Juban.

Bilang tugon sa hiling ng lalawigan, tumulong rin si Yucot sa pag-secure ng air asset mula sa Armed Forces of the Philippines para sa aerial survey upang mas maunawaan ang lawak ng pinsala ng ashfall.

Ayon sa pinakahuling datos, tinatayang 74,209 katao o 14,830 pamilya ang apektado ng pagsabog. 19 pamilya o 61 indibidwal ang kasalukuyang nasa dalawang evacuation centers.

Mayroong naka-preposition na 888 N95 masks na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.2 milyon, at hygiene kits na may halagang ₱3.5 milyon. Dagdag pa rito, ang DSWD ay nagpadala ng 2,000 family food packs na nagkakahalaga ng ₱1.78 milyon, kasama na ang tents, water containers, at karagdagang hygiene kits.

Naglabas na rin ang DOH ng Code White Alert para tiyaking maayos ang kalagayan ng kalusugan ng mga evacuees. Samantala, nagpapatuloy ang Bureau of Fire Protection sa road flushing operations upang alisin ang abo sa mga pangunahing lansangan.

Nanawagan si Governor Boboy Hamor at OCD Bicol sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga babala habang nagpapatuloy ang relief at recovery operations.

“Hindi namin kayo pababayaan,” giit ni Dir. Yucot. “Buo ang suporta ng pamahalaan para sa kaligtasan at kapakanan ng mga apektado.”