Nasawi ang isang construction worker matapos barilin sa harap ng kanyang 5-taong gulang na anak ng sarili niyang bayaw na matagal na niyang kaalitan sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Namatay kaagad sanhi ng isang tama ng bala sa ulo at isa sa katawan si Aldrey Gan, 30 ng 97 Macopa Road, Brgy. Potrero habang mabilis namang tumakas ang salarin na nakilalang si Renato Pacheco, 50 at naninirahan din sa nabanggit na lugar.
Sa ulat na natanggap ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, naglalakad ng pauwi ang biktima, kasama ang kanyang 5-taong gulang na anak na babae dakong ala-1:10 ng madaling araw sa kahabaan ng Guyabano Roa, Brgy. Potrero nang biglang sumulpot ang kanyang bayaw na armado ng hindi pa batid na uri ng baril at kaagad na pinaputukan sa ulo ang biktima.
Nang bumulagta si Gan, pinutukan pa ng isa sa bahagi ng katawan ng kanyang bayaw ang biktima bago mabilis na umuwi ng kanilang tirahan upang kuhanin ang mga damit patungo sa kanyang pagtakas.
Bago umalis ng bahay, sinabihan pa ng suspek ang kanyang kinakasamang si Aida Gan, nakatatandang kapatid ng biktima, ng katagang “Pinatay ko na, pinatay ko na ang kapatid mo,” saka mabilis na tumakas, bitbit ang kanyang mga damit.
Sa pag-iimbestiga nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting, nakausap nila si Aida at inamin nito sa mga pulis na may matagal ng alitan ang kanyang kapatid at ang ka-live-in subalit hindi na niya nabanggit kung ano ang pinagmulan ng matinding alitan ng dalawa.
Iniutos na ni Col Barot ang malawakang paghahanap sa suspek habang isinailalim muna sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang anak ng biktima na na-trauma sa pangyayari para sa counselling. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA