December 25, 2024

OBRERO, PEDICAB DRIVER TIKLO SA P84K SHABU SA NAVOTAS

SA kulungan ang bagsak ng isang obrero at pedicab driver na kapwa sangkot umano sa illegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Kevin Ochoa alyas “King”, 29 ng Int. F. Pascual St., Brgy. Tangos South at Lauro Dela Cruz alyas “Ayie”, 51, (User/Listed) ng Davila St., Brgy. Navotas West.

Ayon kay Ollaging, dakong alas-9 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas police sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon ng P300 halaga ng shabu kay Ochoa.

Nang tanggapin ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang suspek kasama si Dela Cruz matapos makuhanan din ng droga.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 12.45 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P84,660, buy bust money at P300 recovered money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.