
MANILA — Isang makabuluhang hakbang para sa empowerment at rehabilitasyon ng kababaihang Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang isinulong ng Bureau of Corrections (BuCor), sa pangunguna ni Director General Gregorio Pio P. Catapang, sa pakikipagtulungan ng Philippine Women Judges Association (PWJA) sa ilalim ng pamumuno ni Supreme Court Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier.
Sa pagbubukas ng art exhibit na pinamagatang “HER BRUSH, HER STORY: The Hues of a Woman”, ipinahayag ni Catapang ang buong suporta ng BuCor sa mga adbokasiya ng PWJA para sa kapakanan ng kababaihang nakakulong. Ginanap ang exhibit sa Manila Clock Tower Museum at binuksan ito sa publiko mula Hunyo 13 hanggang ngayong araw, Hulyo 18.
Itinatampok sa exhibit ang 35 likhang-sining na gawa mismo ng mga babaeng PDL mula sa iba’t ibang pasilidad ng BuCor sa bansa. Sa pamamagitan ng kanilang mga obra, naipapahayag ng mga kababaihan ang kanilang mga saloobin, karanasan, at pag-asa—isang hakbang tungo sa muling pagbubuo ng kanilang pagkatao.
“Ang sining ay makapangyarihang daan sa pagbabagong-loob at pagkilala sa dignidad ng bawat isa, kahit nasa loob ng bilangguan,” pahayag ng isang opisyal mula BuCor.
Ayon kay Justice Javier, layunin ng proyektong ito na ipakita sa lipunan ang positibong epekto ng reformation programs sa loob ng mga kulungan at itulak ang mas makataong pananaw sa mga PDL, partikular na sa mga kababaihan.
Sa likod ng mga painting ay mga kuwentong puno ng pagsubok at pag-asa—mga patunay na ang sining ay hindi lamang anyo ng ekspresyon, kundi isang daan patungo sa paggaling, pag-asa, at pagbabalik sa lipunan.
Sa ganitong mga programa, umaasa ang BuCor at PWJA na mapapalakas pa ang suporta ng publiko at mga institusyon sa rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga nakakulong, habang patuloy na kinikilala ang kanilang pagiging tao at karapatan.
More Stories
Hepe ng pulis, huli ng asawa na hubo’t hubad kasama ang kalaguyo sa motel sa Quezon
₱5K MULTA SA MGA PASAWAY SA WATTAH WATTAH FESTIVAL SA SAN JUAN
SBA Season 2, aarangkada sa Setyembre