December 23, 2024

NTF-ELCAC NAGPAPATULOY AT MAGPAPATULOY

Ang National Task Force to End Local Communists and Armed Conflict o NTF-ELCAC ay isinakatuparan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong taong 2018 sa bisa ng Executive Order No. 70. Ito ay naglalayong wakasan ang insurhensiya at karahasan na idinudulot ng mga komunistang grupo na mula noon ay kinategoryang mga lokal na terorista sa ating bansa. Naging mabisa ang panukalang ito nang mag-umpisang magbalik-loob  sa ating pamahalaan ang karamihan sa ating mga kababayan na siyang naging hudyat ng paghina ng makakaliwang grupo.

Sa halos anim na taon nang nakalipas, samu’t sari na rin ang mga isyung kinaharap at patuloy na kinakaharap ng ating bansa. Gayun pa man, patuloy pa rin ang pag-iral ng NTF-ELCAC sa ating saligang batas. At kaming inyong kasundaluhan, bilang kinatawan ng tagapagpanatili ng kapayapaan, patuloy pa rin itong pinapalaganap sa iba’t ibang panig ng ating lipunan.

Isang halimbawa na lamang ay ang 520th  Air Base Group, Air Instillation and Base Development Command na isa sa mga haligi ng Hukbong Himpapawid sa Kamaynilaan. Sa pamamagitan ng Civil Military Operations ng 520ABG, nagpapatuloy ang pagpasok natin sa iba’t ibang barangay at paaralan dito sa siyudad upang magsagawa ng tinatawag na Community o Campus Peace Development Forum. Ito ay isang pagpupulong kung saan binibigyan natin ng kaalaman ang ating mga kababayan patungkol sa deseptibong pagrerekrut ng makakaliwang grupo lalo na sa ating mga kabataan. Gayundin ay kung ano ang mga kapahamakan na nakaamba sa pagsali nila rito. Sinisigurado natin na angkop ang teksto ng ating pagpapahayag upang masigurado na mauunawaan nilang mabuti ang nilalaman at layunin ng NTF-ELCAC para sa mga magulang, kabataan, guro at mga nanunungkulan sa komunidad.

Sa pagpapatuloy ng pagsasagawa natin ng programang ito sa nakalipas na mga taon, marami-rami na rin ang magagandang reaksyon at komento patungkol dito na ating natatanggap. Ang ilang sa kanila ay nagpapasalamat dahil sa mga pagkakataon na may nakakasalimuha sila nakaduda-duda ay mayroon silang kaalaman sa mga dapat gawin. Gayundin naman ay mayroong ding mga kawani ng barangay at mga mag-aaral na nagsasabing nakikita pa rin nila ang presensiya ng mga rekruter ng kaliwa kung kaya’t malaking bagay ang ibinahagi nating kaalaman sa kanila. Ang mga ganitong klaseng sentimyento ay isang napakabisang patunay na mabisa at makabuluhan ang paraan ng ating pagpapalaganap ng NTF-ELCAC sa ating mga komunidad.

Tunay na napakahalaga para sa ating mga komunidad ang pagpapalaganap nitong NTF-ELCAC. Hindi ito natatapos sa pagbibigay ng kaalaman at kamalayan, bagkus ito ay siyang poprotekta sa kinabukasan ng ating mga kababayan lalong-lalo na sa ating mga kabataan. Kung ilan taon pa man ang lumipas, sa pamamagitan ng matibay na panukalang ito, tayo ay magpapatuloy hindi hanggang sa humina kundi hanggang sa tuluyan nang mabuwag itong mga makakaliwang grupo sa ating lipunan.