MARIING kinondena ng National Press Club ang nangyaring pamamaril kay Joshua Abiad at tatlo niyang kamag-anak sa Quezon City.
Si Rene Joshua Abiad, photographer ng Remate Online at kanyang mga kaanak ay itinakbo sa pagamutan matapos magtamo ng dalawang tama ng bala na tumama sa kanyang katawan.
Samantala, hindi na naisalba ng mga doktor si Reese Abiad, 4-anyos, na pamangkin ni Rene.
Sugatan din sa insidente ang kanyang kapatid na si Renato Abad Jr., 41, at isa pang pamangkin na si Caiden Abiad, 8-anyos.
Sa ulat, pauwi na si Abiad at kanyang mga kaanak sa kanilang tahanan sakay ng sports utility vehicles (SUV) nang pagbabarilin sila ng mga dalawang hindi pa natutukoy na mga lalaking sakay ng kulay gray na Vios na kanilang kasalubong sa panulukan ng Corumi at Gazan Streets sa Barangay Masambong dakong alas-3:50 ng hapon kahapon.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen dahil si Abiad ay isa umano sa mga mamamahayag na tumetestigo sa korte laban sa mga nahuhuling drug suspects sa drug operations ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kaugnay nito, agad namang nakipagtulungan ang tanggapan ni Usec. Paul Gutierrez, Executive Director ng Presidential Task Force on Media Security sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon kaugnay sa pamamaril.
Mariin namang kinondena ng NCRPO press club ang insidente. Sinabi ni Lily Reyes Pangulo ng NCRPO Press Club na nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya at sa pulisya upang malaman ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pamamaril.
More Stories
HUSTISYA PARA KAY PH ATHLETE MERVIN GUARTE!
4 patay sa pamamaril sa Batangas
4 KAWANI NG NBI, KASABWAT NA 7 FIXERS KALABOSO